MANILA, Philippines – Isang taxi driver ang hinoldap ng kanyang dalawang pasahero na ang isa dito ay nagpakilalang anak ng pulis kahapon ng madaling araw sa Makati City.
Kinilala ang biktimang si Leo Ragala, 42, ng Salanad Compound, Barangay Baesa, Quezon City.
Lumalabas sa report na natanggap ni Senior Supt. Ernesto Barlam, hepe ng Makati City Police, ang insidente ay naganap alas-2:45 ng madaling araw.
Ayon sa biktima, pinapasada niya ang Chill taxi (RMK-221) nang parahin siya ng dalawang kalalakihan sa may Ayala Avenue, Makati City at nagpapahatid sa area ng Maynila.
Pagsapit nila ng Osmeña Highway (dating South Super Highway), Brgy. San Antonio, Makati City, biglang naglabas ng patalim ang mga suspek at ang isa dito ay nagpakilala pa na anak siya ng isang pulis.
Matapos tangayin ng mga holdaper ang kinita ng biktima sa buong araw na pamamasada ng taxi na nasa P2,230.00 ay bumaba ang mga ito at sumakay sa isang nakaantabay na motorsiklo na walang plaka at nagsitakas.
Ang biktima naman ay dali-daling nagtungo sa himpilan ng Makati City Police upang ireklamo ang sinapit nito.