Pekeng agent ng TV network, timbog
MANILA, Philippines – Isang miyembro ng ‘Bahala na Gang’ na nagpapanggap na agent ng isang television network ang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawang entrapment operation sa isang hotel sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling araw. Sa ulat ng Quezon City Police District Station 10, nakilala ang suspect na si Jun William Jefferson, alyas Egay, 48, binata ng Montereal St., Brgy. E. Rodriguez, sa lungsod. Ayon kay PO3 Wilmore Bataanon, may-hawak ng kaso, ang suspect ay nadakip matapos na humingi ng tulong ang naging biktima nito na si Claire Stephanie Michelle Pare, 18, dalaga, ng Sitaw St., Malanday, Marikina City.
Naaresto ang suspect sa isang entrapment operation na ginawa ng kanilang tropa sa isang hotel na matatagpuan sa Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, ganap na alas-4:30 ng madaling araw. Sabi ni Bataanon, bago ang insidente, si Pare at isang kaibigan nito ay tinangayan ng suspect ng Samsung cellphone matapos na alukin ang mga una bilang ekstra sa isang show ng GMA7 noong January 3, 2015.
Diumano, pinapunta ng suspect ang mga biktima sa PS10 para doon anya gawin ang screening at ipakilala sa direktor ng show, subalit bigla na lamang itong nawala matapos na kunin sa mga huli ang kanilang mga cellphone. Hanggang sa nitong January 11, 2015, nang subukang iteks ni Pare ang suspect para muling makipag-kita, ay sumagot ito, gayunman ay nagpakilala ang una na si Monique Garcia. Tulad ng modus operandi ng suspect inalok nito ang biktima na mag-ekstra sa show ng GMA7, at magkita sila sa Camelot Hotel ng alas-4 ng madaling araw.
Sa puntong ito, nagpasya si Pare kasama ang kanyang ate na magtungo sa PS10 at humingi ng tulong kung saan isinagawa ang entrapment operation na ikinadakip ng suspect sa naturang lugar. Ayon pa kay Bataanon, narekober sa suspect ang isang coin purse na naglalaman ng isang plastic sachet ng shabu at aluminum foil, balisong at isang sex toy. Inihahanda na ang kasong isasampa sa piskalya laban sa suspect habang nakapiit sa PS10.
- Latest