Parak na nakapatay ng retardate, kinasuhan
MANILA, Philippines – Pormal nang ipinagharap kahapon ng kasong homicide sa Manila Prosecutors’ Office ang pulis na nakapatay sa isang 23-anyos na mentally retarded, na nagtangkang sumaksak sa kaniya ng barbeque stick sa Pandacan, Maynila, noong nakaraang Enero 11.
Si PO2 Arturo Coronel, 33, nakatalaga sa Labores Police Community Precinct, ng MPD-Police Station 10 ay suspek sa pamamaril kay Ryan Generoso, na tinatayang nasa 10-taong gulang lamang maikukumpara ang pag-iisip at residente ng Pandacan, Maynila.
Depensa ni Coronel sa MPD-Homicide Section nang siya ay arestuhin sa Labores-PCP kamakalawa ng mga tauhan ni C/Insp. Steve Casimiro, hepe ng MPD-Homicide Section, aatakehin siya ng saksak ng biktima nang magkatinginan sila kaya niya ito binaril.
Nabatid na binaril ng dalawang beses ng suspek ang biktima na kagyat na ikinasawi nito.
Kilala ang biktima sa lugar na pagala-gala at tagatapon ng basura ng mga kapitbahay kapalit ng maliit na halaga.
Kasalukuyan nakapiit ang pulis sa Homicide Section detention facility.
- Latest