MANILA, Philippines – Selos ang isa sa mga tinitingnang motibo sa pagpaslang sa isang hindi pa nakikilalang lalaki habang nakikipag-inuman sa kanyang kaibigan, kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.
Dead-on-the-spot ang biktimang inilarawan na nasa edad 35-40, may taas na 5’2’’ hanggang 5’5’’, nakasuot ng kulay puting stripes na polo shirt at gray na brief.
Isang manhunt operation naman ang isinasagawa ng pulisya laban sa mga suspek at mag-live-in partner na sina Roberto Loberiano, 36, welder at Noemi Ponce ng Balut, Tondo na tumakas matapos ang insidente.
Sa report ni Det. Jonathan Bautista ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong alas-5 ng hapon nang naganap ang insidente sa loob ng inuupahang bahay ng mga suspek.
Ayon kay Ruben Alebar, 52, nangungupahan sa kanya ang mga suspek. Huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-10:00 ng umaga kung saan hinahanap nito si Loberiano.
Lumabas ang suspek at ilang sandali ay pinapasok nito ang biktima sa kanyang inuupahang bahay. Dito na nag-inuman ang biktima at si Loberiano.
Makaraan ang ilang oras ay nakarinig ng kalabog ang anak ni Ruben na si Mary Joy na pinagwalang bahala naman nito. Nagulat na lamang si Mary Joy nang makitang nagmamadali lumabas ng kanyang bahay si Loberiano kasunod si Ponce na may dalang backpack. Gayunman hindi niya pinansin ang pagmamadali ng mga ito.
Alas-5 ng hapon nang madaanan ni Mary Joy ang nakahandusay na biktima na natatakpan ng tuwalya ang mukha. Dito na ipinagbigay alam ni Mary Joy ang pangyayari sa kanyang amang si Ruben.
Sa imbestigayon ng pulisya, may saksak ang biktima sa kanyang tiyan at kaliwang palad. Posible umanong may ginawa ang biktima kay Ponce na ikinagalit ni Loberiano na kilalang seloso.