MANILA, Philippines – Handa ang Bureau of Fire Protection na magpadala ng fire trucks at ilang personnel mula sa special rescue unit para sa limang araw na pagbisita ng Saint Francis sa bansa.
Ayon kay BFP-National Capital Region director Senior Supt. Sergio Soriano, ang nasabing mga truck ay naka-standby lamang sa sandaling tumaas ang tensyon sa mga lugar na pupuntahan ng mga mamamayan na nagnanais na makita ang nasabing Papa.
Sa kasalukuyan, ang Santo Papa ay nasa Sri Lanka at nakatakdang dumating sa Pilipinas sa Huwebes, para sa kanyang kauna-unahang pagbisita sa bansa.
Sabi ni Soriano, inatasan na niya si fire marshals Supt. Jaime Ramirez ng Manila at Chief Insp. Douglas Guiyab ng Pasay City na huwag alisin ang mga naturang truck sa kabuuan ng pamamalagi sa bansa ng Santo Papa.
Ang nasabing mga opisyales ay inatasan na rin makipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies kaugnay sa aktibidad.
Bukod dito, magpapadala rin ang BFP ng Chemical, Biological, Radiation and Nuclear (CBRN) team kasama ang medical personnel na aasiste sa iba pang government units, lalo na sa gagawing Misa sa Quirino Grandstand sa Rizal Park kung saan inaasahang milyong Katoliko ang inaasahang dadalo.
Samantala, ayon naman kay BFP Officer-in-Charge Chief Supt. Ariel Barayuga, kaugnay naman sa pagbisita ng Santo Papa sa Region 8, handa na umano ang tropa ni director Chief Supt. Pablito Cordeta kaugnay sa gagampanan niyang papel sa pagbisita nito sa Leyte.