LRT-1, tuloy ang biyahe sa pagdating ng Pope

MANILA, Philippines – Tuloy ang biyahe ng mga tren ng Light Rail Transit (LRT-1) sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa Enero 15-19.

Ayon kay LRT Authority spokesman Hernando Cabrera, tuluy-tuloy ang biyahe ng mga tren ng LRT-1.

Sa Enero 18 ay inaasahang maraming tao ang sasakay ng LRT-1 upang magtungo sa Luneta, kung saan magdaraos ng misa si Pope Francis.

Nitong Disyembre, unang sinabi ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na pinag-aaralan nila kung sususpendihin ang mga biyahe ng LRT-1 sa Papal visit.

Ayon kay DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya, ini­rekomenda na nila ito sa Papal Visit 2015 Central Com­­mittee dahil ang Papal Nunciature sa Maynila, kung saan mananatili ang Santo Papa ay nasa daraanan ng
LRT-1.

Una nang sinabi ng mga organizer ng event at ng Manila City Government na isasarado nila ang mga kalsada sa pa­ligid ng Papal Nunciature na official residence ng Santo Papa habang nasa bansa siya, para na rin sa seguridad nito.

Ang LRT-1 ang nag-uugnay sa Roosevelt sa Quezon City at Baclaran sa Parañaque.

Show comments