Erap ipinagtanggol ang mga vendor
MANILA, Philippines – “Imbes na magnakaw, bigyan natin sila ng pagkakataong kumita kahit kaunti para pantawid-gutom.”
Ito ang sinabi ni Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada tungkol sa mga banat na ang mga sidewalk vendors sa lungsod ay naging dahilan upang sumikip lalo ang dadaanan ng traslacion ng Black Nazarene noong Biyernes.
Ipinagtanggol ni Erap ang mga vendors at sinabing naging masinop naman ang mga opisyal ng city hall sa pagsasaayos ng kani-kanilang mga puwesto at maging ang paglilinis ng tone-toneladang basura na iniwan ng prusisyon.
Ang paglilinis ng basura sa Luneta at sa ruta ng procession ay ipinag-utos ni Mayor Erap sa Department of Public Services ng Maynila. “Kapag ang isang tao ay nagugutom, malamang na hindi na kumilala sa batas. Kaya dapat bigyan natin ng pagkakataon ang lahat ng taga-Maynila na kumita sa paraang legal,” ani Estrada.
Ang pagdiriwang ng Black Nazarene sa taong ito ay dinaluhan ng may 5 milyong tao, at ang prusisyon ay tumagal nang may 19 na oras mula sa Luneta hanggang Quiapo Church. Ito’y naging dahilan naman upang magkaroon ang mga vendors ng Maynila ng pagkakataon upang kahit papaano ay kumita.
Samantala, pinayuhan ni Erap ang broadcaster na si Noli de Castro na siyang madalas pumuna sa mga vendors na balikan ang kanyang nakaraan noong siya ay mahirap pa at nagsisimula sa radio, upang higit na mapalapit sa mga mahihirap at maunawaan ang kanilang sitwasyon.
- Latest