MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang lalaki sa pagbebenta ng ipinagbabawal na Piranha sa panulukan ng Tayuman at Rizal Avenue sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nabatid na dakong alas- 7:45 ng gabi nang matiyempuhan ng mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) ang mga suspek na kinilalang sina Jordan Carlos, 25 company checker at Mark Jerico, 17, na may mga bitbit na 4 plastic na naglalaman ng tig-25 piraso ng ‘carnivorous Piranha’, Seedlings o kabuuang 100 piraso.
Sa ulat ni DSOU chief, P/Insp. Jesus Respes, nagkataon lamang umano na nag-iikot ang kaniyang mga tauhan para sa anti-criminality operation nang mamataan ang dalawa na nakaupo sa bangketa at nag-aalok ng dala nilang mga plastic container na naglalaman ng tubig at mga binhi ng isda, na kalaunan ay napaamin din na Piranha species na iniaalok sa halagang P130,000 bawat plastic.
Katwiran ng dalawa, sila ay umupo lamang para magdeliber dahil may kausap na umano silang bibili ng Piranha.
Gayunman, hindi naman tanggap ang katwiran ng dalawa dahil ang pagtataglay ng Piranha na matagal nang nai-ban sa Pilipinas. Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang mga nadakip. Mapanganib umano ang nasabing isda na kumakain ng maliliit na mammals at iba pang aquatic resources and species na kung pakakawalan ay makakasira ng kalikasan at kapwa isda.