MANILA, Philippines – Isa pang deboto ng Itim na Nazareno ang nasawi bago pa man matapos ang traslacion, na umabot ng mahigit sa 19 oras, kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang nasawi na si Christian Mel Lim, 18, ng Anakbayan St., Malate, Maynila na unang natagpuang walang malay sa entrance gate ng Minor Basilica sa Quiapo, Maynila, ng mga volunteer ng Philippine Red Cross.
Sa panayam kay PRC volunteer na si Ampie Galpo, nang buhatin ng team nila ang biktima na agad na dinala sa kanilang station booth ay napunang wala na itong vital signs at ipinasuri kaagad sa mga medical personnel ng Department of Health na nakatalaga rin sa mismong tapat ng Minor Basilica.
Isinugod na rin ito sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) na doon ito idineklarang dead-on-arrival.
Sa ulat naman ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, puno umano ng mga galos at may mga bakat pa ng mga paa ang damit ng biktima na indikasyong natapak-tapakan ito ng dagsa ng mga debotong sumama sa traslacion.
Una nang naiulat ang pagkamatay ng isang ‘alagad’ o official escort sa Andas ng Itim na Poong Nazareno.
Ang 43-anyos na si Renato Gurion, na may 5-taon nang miyembro ng Hijos Del Nazareno ay inatake sa puso sa itaas ng Andas dakong alas-8:30 ng umaga dahil sa dinanas na puyat, pagod at naipit pa ng dagsa ng tao na humalik sa Poon.
Bukod dito, nasa 1,700 deboto rin ang nabigyan ng atensyong medikal.
Nabatid na alas-3:45 ng madaling-araw nang maibalik sa loob ng simbahan ang Poong Nazareno. Ang traslacion ay tumagal ng mahigit sa 19 na oras.