MANILA, Philippines - Isang kagawad ng barangay ang nasawi matapos barilin ng hindi pa kilalang suspek sa tapat ng isang simbahan sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng tama ng bala sa katawan ang biktimang si Joselito Cleopas, 45, ng Brgy. 166 at residente ng Kaybiga ng naturang lungsod.
Sa ulat na natanggap ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Caloocan City Police, alas-6:25 ng gabi, nasa tapat ng simbahan ng Sacred Heart sa Gen. Luis St., Kaybiga ng naturang lungsod ang biktima nang barilin ng suspek.
Matapos ang insidente ay mabilis tumakas ang suspek habang dinala naman ang biktima sa naturang ospital.
Kinondena naman ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang ginawang pagpatay kay Cleopas, kung saan pinatutukan na nito kay Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng pulisya ng naturang lungsod para sa agarang pagdakip sa suspek.
Inaalam na ng mga pulis kung may kaugnayan sa pagiging kagawad ng biktima ang motibo sa pamamaslang.