MANILA, Philippines - Narekober ang kalansay o mga buto ng tao mula sa isang drum na isinemento at inilubog sa Estero dela Reina, na nadiskubre lamang makaraang tamaan ng backhoe na nagsasagawa ng paghuhukay sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni SPO2 Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-4:00 ng hapon ng tamaan ng backhoe na ino-operate ni Jesus Punla, 48, ang drum na nakabaon sa dredging site.
Nang buksan ang takip ng drum ay natambad ang kalansay ng tao. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.