MANILA, Philippines - Patay ang isang preso habang labing-siyam naman ang nasugatan matapos sumabog ang isang granada sa loob ng maximum security ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni NBP Superintendent Richard Schwarzkopf Jr. ang nasawing bilanggo na si Jojo Fampo, miyembro ng ‘Sigue-Sigue Commando Gang’ na namatay noon din ng tamaan ng shrapnels sa ulo at katawan.
Dalawa sa 19 na sugatan ang nasa kritikal na kondisyon at ang mga ito ay nakilalang sina Alvin Cruz at RJ Lacdal, na agad na isinugod sa Ospital ng Muntinlupa, habang ang 17 pang biktima ay ginagamot naman sa NBP Infirmary at kasalukuyan pa ring nilalapatan ng lunas.
Ayon sa ulat, alas-9:55 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa gate ng Building 5 Delta ng maximum security compound kung saan nakakulong ang mga miyembro ng ‘Sigue-Sigue Commando Gang’.
Sa panayam kay Schwarzkopf, isang MK-2 fragmentation grenade ang sumabog sa loob ng nasabing gusali kung saan nakakulong ang nasawing si Fampo at ang mga nasugatan.
Nabatid na nauna nang nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib puwersa ng National Bureau (NBI), Department of Justice (DOJ) Special Reaction Unit at Special Patrol Unit ng Muntinlupa City Police na kung saan nakakumpiska ng ibat-ibang uri ng kontrabando mula sa mga selda ng mga inmates at mga drug lords noong Disyembre 15.
Kabilang sa mga sinalakay ng mga awtoridad ang apat na kubol na kung saan nakakumpiska ng kalahating kilo ng shabu at mga drugs paraphernalia na kung saan nakakulong din si Jojo Balicad sa Maximum Security Compound.
Bukod pa dito nakuha rin sa kubol ni Peter Co ang iba’t-ibang uri ng mga baril at mga alak, habang kay Herbert Colangco ay apat na vault na naglalaman ng mga personal na gamit tulad ng limang kahon na rolex watch sa kubol nito sa NBP Reformation center.
Nabatid pa kay Schwarzkopf, na nito lamang Enero 6 (Martes) umabot na sa 19 na ibat-ibang uri ng baril, 19 na improvised shotgun, tatlong granada, 403 na ibat- ibang uri ng bala ng baril, 78 na pirasong patalim at 268 na appliances na kinabibilangan ng ilang aircon, flat screen TV, mga computers, refrigerator at DVD player.
Samantala, sa kaugnay pa ring balita, nabatid sa pamanuan ng NBP, sinibak ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila De Lima sa serbisyo si NBP Prisons Assistant Supt. Catalino Malinao dahil sa kasong administratibo. ??
Base sa isang resolusyon na may petsang Nobyembre 18, 2014, napatunayang guilty si Malinao sa mga kasong grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of service. ??
Ang kaso ay nag-ugat nang pakialaman ni Malinao ang ginawang paghahalughog ng Special Patrol Unit o SPU ng Bureau of Corrections sa selda ng inmate na si David Allen Uy sa compound ng Amazing Grace Chapel, Building 11 noong Hulyo 7, 2014. ?