MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang 25-anyos na binata makaraan nitong dukutin at molestiyahin ang isang grade 2 pupil, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Nakakulong ngayon sa Malabon City Police detention cell at nahaharap sa kaso ang suspek na si Rodney dela Cruz, ng Sitio 6, Dumpsite, Brgy. Catmon na nasabing lungsod.
Batay sa ulat ni PO1 Jocelyn Castro, ng Women and Children Protection Desk (WCPD) Malabon City Police, alas-7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa masukal na damuhan ng nasabing barangay.
Nabatid, naglalaro umano ang biktima na itinago sa pangalang Katy, 8, sa tapat ng kanilang bahay sa naturang lugar nang bigla na lamang siyang yakapin at bitbitin ng suspek at dalhin sa damuhan.
Doon umano ay sapilitang pinaghubad ng suspect ang paslit at saka tuluyang minolestoiya.
Nasaksihan naman ito ng isang batang kalaro ng biktima na nagsumbong sa kanyang nanay at naging daan upang iulat ang insidente sa barangay kung saan tuluyang nadakip ang suspect.