2 tauhan ng vice mayor sabit, ambulansya ginamit sa paggo-grocery
MANILA, Philippines - Pinagpapaliwanag ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi ang bise alkalde ng lungsod kaugnay nang paggamit ng isa sa mga tauhan nito ng ambulansiya o rescue vehicle sa pamimili sa isang supermarket.
Sa panayam kay Tess Navarro, hepe ng Public Information Office (PIO) ng Muntinlupa City, pinagpapaliwanag ni Fresnedi si Vice Mayor Artemio Simundac matapos maging viral sa Facebook ang post ng Top Gear Philippines hinggil sa litrato ng dalawang babae na namimili sa isang malaking grocery, na gamit ang isang ambulansiya na may pangalan nito (Vice Mayor Artemio Simundac).
Nabatid kay Navarro na nakita aniya ng naturang alkalde ang naturang litrato at hindi nito nagustuhan. Ito ay paglabag sa memorandum na sinumang kawani ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa ay mariing pinagbabawal na gamitin ang anumang behikulo ng gobyerno sa personal na pangangailangan, na maaari lamang aniyang gamitin ito “for official use only”.
Napag-alaman na ang dalawang babae umano sa litrato ay mga tauhan ni Simundac. Kung kaya’t ayon kay Navarro ay tinawagan niya ang bise alkalde sa naturang insidente, subalit maging ito aniya ay nabigla rin kung bakit ginamit ito sa pamimili.
- Latest