MMDA constable, inireklamo ng kotong

MANILA, Philippines -  Isang traffic constable ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang inaresto ng mga awtoridad matapos na ireklamo ng isang truck driver ng pangongotong sa lungsod Quezon, kahapon ng ma­daling-araw.

Sa ulat ni Quezon City Police District Public Information Office Chief Senior Supt. Maricar Taqueban, ang inireklamo ay kinilalang si Eddelito Corilla, 42, ng Brgy. Ugong Valenzuela City.

Si Corilla ay inireklamo ng pangongotong ng driver na si George Basubas, 51, driver, ng Cauayan, Isabela Province.

Bukod kay Corilla, dinampot din ang mga kasamahan nitong sina Carlito Llaneta, Dominador Panopio at Jop Carles, subalit pinawalan din.

Sa ulat ni PO2 Richard Galvez ng Police Station 9, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng University lane malapit sa panulukan ng Commonwealth Avenue, Brgy. San Vicente, ganap na ala-1 ng madaling-araw.

Sakay ng kanyang mina­manehong cargo truck (UTE-819) si Basubas at tinatahak ang nasabing lugar nang parahin siya ni Corilla dahil sa paglabag umano sa ‘Yellow lane’.

Kasunod nito, hiningi ni Corilla ang driver’s license ni Basubas na ibinigay naman ng huli, bago siya hiningan nito ng P200 bilang konsi­derasyon at hindi na isyuhan ng ticket.

Sinasabing galing sa lalawigan ng Isabela si Basubas at patungo sana ng Antipolo City para ihatid ang kargang frozen meat nang parahin ng enforcer.

Sabi ni Basubas, bukod sa P200 nagpapadagdag pa umano ng P100 si Corilla dahil apat daw silang enforcer na naroon na maghahati-hati, pero wala na siyang maibigay.

Nang makuha ni Corilla ang pera kay Basubas ay saka ito pinawalan, pero ilang metro ang layo sa lugar ay pinara naman ang huli ng Task Force Anti-Crime Advocate ng city hall sa pangunguna nila Teddy Pascual, Alan Manalo, at Joel Ferrer at tinanong kaugnay sa insidente.

Dito na nagpasyang magsumbong ni Basubas sa grupo na agad namang umaksyon at inaresto ang apat na MMDA constable kasabay ng pagkarekober sa halagang P200.

Sa pagsisiyasat, napag-alamang tanging si Corilla lamang ang kumuha ng pera kung kaya ang tatlong kasamahan nito ay ipinasyang mapalaya.

Gayunman, ipinag-utos na rin kahapon ni MMDA chairman Francis Tolentino ang pagsibak sa apat na traffic constable na isinangkot sa kaso.

Show comments