Ex-parak na si ‘Boy Bayawak’, timbog sa holdap

MANILA, Philippines - Timbog ang isang dating pulis nang tangkaing makipag-areglo  sa negosyanteng nabiktima ng panghoholdap  sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Ang suspek na kinilalang si PO3 Jessie Villanueva, residente ng Vitas, Tondo, Maynila, at dating nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO). Binansagan itong Boy Bayawak dahil sa pangongotong sa nagpupuslit ng mga bayawak, nakapiit na sa Manila Police District.

Nabatid na si Villanueva ang  itinuturong nangholdap sa isang auto supply  sa  Sta. Cruz, Maynila  na pag-aari ng negosyanteng si Renan Reyes.

Ayon kay  SPO4 Antonio Lobigas, dakong alas-9:00 ng gabi nang arestuhin ang dating parak  sa loob ng tindahan ng biktima nang personal itong magtungo upang aregluhin umano ang biktima dahil sa reklamo laban sa kanya kaugnay sa panghoholdap.

Base sa rekord ng pulisya,  dakong alas-11:00 ng umaga noong  Enero  5, 2015 nang  holdapin umano ni Villanueva kasama ang isa pang kasabwat ang naturang auto supply  kung saan natangay ng mga ito ang pera at alahas ng biktima na umaabot sa P800,000. Maging ang pera at gamit ng mga kostumer sa naturang establisimento ay tinangay din ng mga suspect saka tumakas lulan ng motorsiklo.

Nang magreklamo sa  pulisya ang biktima ay nakilala nito sa pamamagitan ng police gallery ang suspect na parak na tuluyan nitong inireklamo.

Nang matunugan naman ng suspek na kinilala siya at inireklamo, tinangka nitong aregluhin ang negosyante na nagkunwaring papayag sa areglo ngunit lingid sa kaalaman nito na nakaabang na ang mga pulis para siya arestuhin.

Show comments