MANILA, Philippines - Bahagyang nabago ang ruta ng prusisyon ng Itim na Nazareno matapos na aprubahan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang rekomendasyont ng City building official na mapanganib na daanan ang Escolta.
Sa press confrence na ginawa kahapon, sinabi ni Estrada na napagdesisyunan nilang sa Dasmariñas St. idadaan ang traslacion sa halip sa Escolta pagbaba ng Jones Bridge.
Ayon kay Estrada, unti unti nang nagbabagsakan ang mga tipak ng semento at pader ng gusali bunsod ng naganap na sunog kahapon.
Inabisuhan na rin nila ang pamunuan ng Quiapo church upang matiyak na masusunod ang bagong ruta para na rin sa kapakanan ng mga deboto.
Aabisuhan na rin nila ang Manila Traffic District Unit tungkol sa pagbabago. Alas-2:45 ng madaling-araw nang sumiklab ang apoy. Naging tanggapan ito ng Philippine National Bank at City College of Manila.
Paliwanag ni City Building Official Engr. Rogelio Legaspi delikado na ang lugar kahit na sa mahihinang mga pag-uga.
Sa Dasmariñas na padadaanin ang Traslacion na malapit lamang sa Escolta at makakadaan ang maraming deboto. Ang kanilang rekomendasyon ay para lamang sa kaligtasan ng mga deboto.
Gayunman, sinabi pa ni Legaspi na desisyon pa rin ng Quiapo church ang masusunod.