MANILA, Philippines - Handang-handa na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay sa ipatutupad na todo-alerto sa pista ng Black Nazarene sa lungsod ng Maynila, bukas araw ng Biyernes (Enero 9).
“We are ready, all security measures will be implemented,” pahayag ni NCRPO Chief P/Director Carmelo Valmoria sa ambush interview sa pagdalo nito sa New Years call sa Camp Crame kahapon.
Sinabi ni Valmoria na todo-alerto ang NCRPO upang tiyakin ang seguridad ng mga lider ng simbahan, milyong deboto ng Itim na Nazareno at maging ng mga VIPs na dadalo sa nasabing relihiyosong okasyon na isinasagawa kada taon.
Inihayag nito na libong mga pulis rin ang ide-deploy sa daraanan ng prusisyon sa Itim na Nazareno.
Inihayag ni Valmoria na wala rin silang natatanggap na security threat kaugnay ng pagdiriwang ng pista na inaasahang daragsain ng mga deboto ng Simbahang Katoliko.
Ang Itim na Nazareno ay dadalhin sa Quirino grandstand sa Huwebes kung saan magpu-prusiyon ang mga deboto at muli itong ibabalik sa Quiapo Church sa mismong araw ng kapistahan nito.
Sinabi ni Valmoria na ipakakalat ang mga operatiba ng pulisya sa naturang mga lugar upang mabigyang proteksyon ang mga deboto, mga VIPs at mga lider ng Simbahang Katoliko.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ng NCRPO Chief ang mga magulang na makikiisa sa okasyon na huwag ng magdala ng mga bata upang hindi ang mga ito maipit sa siksikan ng mga tao.
Sinabi rin nito sa mga deboto na huwag magdala ng malaking halaga ng pera, magsuot ng mamahaling alahas at magbaon ng tubig.