MANILA, Philippines – Pinaigting ng Northern Police District (NPD) ang kampanya kontra iligal na droga nang anim na pinaniniwalaang ‘tulak’ ang nasakote sa tatlong operasyon sa mga lungsod ng Valenzuela at Navotas.
Sa ulat na ipinadala kay NPD Director Chief Supt. Jonathan Miano, kinilala ng Valenzuela City Police ang mga nadakip nila na sina Gilbert Angelo Cleofe, 29; Abegail Edonio, 26, kapwa residente ng San Juan Street, Isla, Valenzuela; Pecto Aniano, 54, pedicab driver; at Eduardo Nicomedes, 37, kapwa ng Cabuyao St., Bilog, Balangkas, ng naturang lungsod.
Nabatid na dakong alas-3:30 kamakalawa ng hapon nang ikasa ng Valenzuela Station Anti Illegal Drugs unit ang operasyon sa Kabasang Imo, Bilog, Brgy. Balangkas makaraang makatanggap ng tip sa isang impormante sa talamak na bentahan ng droga.
Nasakote sina Aniano at Nicomedes sa aktong pagbebenta ng droga. Nakuha sa posesyon nila ang dalawang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Dakong alas-5:30 ng hapon naman nang madakip sina Cleofe at Edonio nang maaktuhan sa pagbebenta ng droga sa berepikasyon ng pulisya sa Isla, Valenzuela sa bentahan ng shabu. Dalawang pakete rin ng iligal na droga ang nakumpiska sa dalawa.
Sa ulat naman ng Navotas City Police, kinilala ang naaresto nila na sina Marigold Gilbuena, 28, at Arnel Martea, 21, binata, kapwa ng Market 3, Brgy. North Bay Boulevard North, ng naturang lungsod.
Nakumpiska naman sa dalawa ang walong pakete ng hinihinalang shabu na kasama ng ibang ebidensya ay ipasusuri sa PNP Crime Lab.