MANILA, Philippines – Patay ang isang 20-anyos na babae nang barilin ng kanyang live-in partner na nagalit makaraang hindi nito mapigilan ang una sa kagustuhang magtungo sa ibang bansa para magtrabaho, kahapon ng umaga sa lungsod Quezon.
Kinilala ni Chief Insp. Elmer Monsalve ng Criminal Investigation and Detection Unit Homicide Section ang biktima na si Darlin Juan, residente ng Mang David St., Pascual Subdivision, Baesa sa lungsod.
Arestado naman ang suspect na live-in partner nitong si Kristopher Benedictos, 26, walang trabaho, ng nasabi ring lugar. Sa ulat ni PO2 Alvin Quisumbing, nangyari ang insidente, ganap na alas-5 ng umaga sa kuwarto ng mag-live-in na matatagpuan sa nasabing lugar.
Ayon kay Katrina Montemayor, kapatid ng suspect, nasa loob siya ng kanyang kuwarto nang marinig ang isang malakas na putok ng baril mula sa kuwarto ng kapatid. Nang kanyang puntahan ang kuwarto para malaman ang dahilan ng putok, nakita niya sa lapag ang biktima na duguan. Agad na humingi ng tulong si Katrina sa ilang kapitbahay at isinugod nila ang biktima sa Pascual General Hospital pero idineklara rin itong dead-on-arrival, alas-5:40 ng umaga.
Dagdag ni Monsalve, sa naturang ospital na rin naaresto ang nasabing suspect.
Napag-alaman na nagtalo anya ang dalawa dahil ayaw ng suspect na mag-abroad ang biktima. Ang biktima ay nagtamo ng isang tama ng bala sa kanyang kaliwang sentido. Narekober din sa lugar ang isang kalibre 38 baril.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.