MANILA, Philippines – Ipatutupad ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang liquor ban sa araw ng Pista ng Itim na Nazareno at sa mga araw ng pagbisita sa bansa ni Pope Francis.
Ang kautusan ay inanunsyo ni Manila Mayor Joseph Estrada sa idinaos na pulong-balitaan sa gusali ng simbahan ng Minor Basilica church sa Quiapo, kahapon ng umaga.
Sinabi ng tagapagsalita ng alkalde na si Diego Cagahastian, layunin ng liquor ban na mapanatili ang kaayusan sa dalawang malaking okasyon sa lungsod.
Hindi muna idinetalye ni Cagahastian na ito ay kanilang inaanunsyo sa oras na malagdaan na ni Estrada ang kaukulang executive order para sa paiiraling liquor ban.
Hindi lamang klase sa mga paaralan ang suspendido sa Biyernes, araw ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno, kundi maging ang mga pasok sa mga tanggapan ng city government.
Sa Executive Order No. 1 ni Estrada para sa taong 2015, hindi lamang ang mga klase sa lahat ng antas ng mga pampubliko at pribadong paaralan, unibersidad at kolehiyo ang kanyang kinansela, kundi maging ang pasok sa lahat ng mga departamento, tanggapan at mga kagawaran ng city government.
Hindi naman kasali sa walang pasok ang mga sangkot sa pagmamantine ng peace and order, traffic enforcement, disaster at risk reduction management, health at sanitation at pag-iisyu ng business permits at pangungolekta ng buwis.
Nilinaw naman ng alkalde na ipinauubaya niya ang pagsuspinde ng pasok sa mga national government offices at mga pribadong tanggapan sa lungsod sa kanilang mga head of office.
Enero 8 pa lamang ay ipapatupad na rin ang re-routing sa mga lansangan sa lungsod para sa isasagawang prusisyon kinabukasan.
Inaasahang milyun-milyong deboto ang makikiisa sa Traslacion o prusisyon para sa Itim na Nazareno sa Biyernes, dahil sa paniwalang nagdadala ito ng swerte, kagalingan at kaligtasan. Karaniwan namang tumatagal ng hanggang kinabukasan ang naturang aktibidad dahil na rin sa dami ng taong dumadalo rito.