MANILA, Philippines – Isang pintor ang nasa kritikal na kondisyon nang pagtatagain ito ng isa sa kanyang kalugar dahil tinawag ng biktima ang kanyang kaibigan na nakikipag-inuman naman sa suspek kahapon sa Navotas City.
Nilalapatan ng lunas sa Tondo Medical Center sanhi ng taga sa ulo at kamay ang biktimang si Wenceslao Percil Jr., 47, ng Tabing Dagat, Bgy. Daanghari ng naturang lungsod.
Hinahantinng naman ng mga kagawad ng Navotas City Police ang suspek na si Tufrecenio Santos, 40, at kalugar ng biktima. Lumalabas sa pagsisiyasat ng Criminal Investigation Division (CID), Navotas City Police, naganap ang insidente alas-3:00 ng madaling araw sa naturang lugar.
Nabatid, na tinawag ng biktima ang kanyang kaibigan habang nakikipag-inuman ito sa suspek, na ikinagalit ng huli.
Dahilan upang magtalo ang dalawa at pumasok ang suspek sa bahay nito, kumuha ng jungle bolo at pinagtataga ang biktima. Matapos isagawa ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek at ang biktima naman ay dinala sa naturang ospital ng kanyang mga kamag-anak.