MANILA, Philippines – Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang isang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) kabilang ang umano’y kapatid nito, isang barangay kagawad at tatlong tanod na umano’y nanakit sa isang negosyante sa Tondo, Maynila kamakalawa ng hatinggabi.
Personal na nagtungo sa General Assignment Section ang biktimang si Danilo Cronos, 43, at residente ng Bldg. 30 Unit 86 Temporary Housing, Vitas, Tondo upang ipagharap ng kaukulang kaso sina PNPA Cadete Kris Antonelle “Choy” Cataluna; kapatid na si Antonette; kagawad na si Junior Santiago, isang Wendell Austria at ang tatlong tanod na sina Shiela Santos, Nestor Espenal at Jhune Tordena pawang ng Brgy 96 Zone 8 ng nasabing lugar.
Batay sa ulat ni SPO1 Jayjay Jacob, naganap ang insidente ng bandang alas-11:00 ng hatinggabi sa panulukan ng Ugbo at Velasquez Sts. sa Tondo.
Lumilitaw sa report ng pulisya na magka-angkas ang magkapatid na Cataluna nang umano’y harangin ang biktima na minamaneho naman ang kanyang truck.
Dito na umano umakyat ang kadete saka bigla umanong sinuntok sa mukha si Cronos. Dahil dito, humingi ng tulong ang biktima sa barangay subalit laking gulat nito nang pagtulungan pa umano siya at kunin ang P10,000 na nasa pitaka.
Ipinagmayabang pa umano ni Antonette ang kanyang kapatid sa biktima sa pagsasabing “Baka hindi mo nakikilala yan (Kris) tenyente ’yan”.
Noon lamang nalaman ng biktima na iisa ang tirahan ng mga suspek.
Sinabi umano ng kadete sa mga kasamahan nito na nais silang banggain ni Cronos na itinanggi naman ng huli.
Nagtataka umano ang biktima kung bakit siya biglang sinuntok ng kadete.