MANILA, Philippines - Muling inalerto ng National Capital Regional Police Office ang kanilang tauhan para magbantay sa mga terminal ng pampasaherong bus dahil sa pagdagsa ng mga pasahero mula sa kani-kanilang probinsiya na magbabalik naman sa Metro Manila. Ayon kay NCRPO Director Carmelo Valmoria, inaasahang dadagsa ang mga mananakay sa mga terminal na nagmula sa kani-kanilang mga probinsiya.
Tiyak aniya na tataas na naman ang bilang ng mga commuter sa mga terminal dahil sa Lunes (Enero 5) ay may pasok na ang mga tanggapan at paaralan.
Bukod sa pagpapatupad ng police visibility sa Metro Manila partikular sa mga terminal, inatasan din ni Valmoria ang kapulisan na paigtingin ang intelligence gathering laban sa mga masasamang elemento at grupong nais maghasik ng karahasan. Maging ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority ay nakaalerto para sa pagmamantina ng daloy ng trapiko dahil sa inaasahang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa ilang pangunahing lansangan ng Metro Manila. (Lordeth Bonilla)