MANILA, Philippines - Muling nabulabog ang mga preso sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City dahil sa ikatlong pagkakataon ay muling nagsagawa ng inspection dito ang Department Of Justice (DOJ) kahapon ng umaga.
Ayon sa pamunuan ng NBP, alas-10:40 ng umaga dumating ang grupo ni DOJ Secretary Leila De Lima para magsagawa ng inspection kung tinugon ba ng mga presong nakakulong sa maximum security compound na isurender ng mga ito ang mga tinatago nilang kontrabando.
Magugunitang hanggang Disyembre 24 lamang ang ibinigay na taning ni De Lima sa mga preso para isuko ng mga ito kung anuman ang mga itinatago ng mga itong kontrabando.
Napag-alaman pa sa NBP, na hindi lang naman aniya pag-inspeksiyon ang pakay ng kalihim sa naturang bilangguan.
Umikot ang kalihim upang inspeksiyunin ang mga listahan ng mga presong maaaring bigyan ng executive clemency ni Pangulong Noynoy Aquino.
Nabatid, na mas prayoridad aniyang mabibigyan ng executive clemency ay ang mga presong may mga edad na at may mga sakit, kung saan ito aniya ay regalo ng Pangulo kay Pope Francis sa pagbisita nito sa Pilipinas sa darating na Enero 15 hanggang 19, 2014.