MANILA, Philippines - Isang 48-anyos na ginang ang panibagong biktima ng ‘Basag kotse gang’ kung saan nalimas ang mamahaling gamit at pera nito na aabot sa P300,000 sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Station 12, ang biktima ay nakilalang si Emirose de Jesus Caidic, ng Filinvest East Homes, Cainta Rizal.
Natangay sa kanya ang isang kulay maroon bag na Chanel (P200,000); P12,000 cash; isang itim na Prada wallet (P12,000) na may lamang mga credit cards at IDs; isang unit ng iPhone 6 (P45,000); isang unit ng Alcatel cellphone (P5,000); isang piraso ng eye glass na Mumu (P6,000); isang kulay pulang bag (P10,000); isang wallet (Tory Brunch) (P12,000); P1,000 cash; at isang iPhone 5 (P35,000).
Ayon kay SPO1 Alex Palmenco, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Green Meadows Avenue, ilang metro ang layo mula sa gate ng Christ the King Church, Brgy. Ugong Norte, ganap na alas-12:30 ng tanghali.
Diumano, ipinarada ng biktima ang kanyang Montero Sport sa lugar nang naka-locked ang mga pinto saka iniwan.
Pagkabalik ng biktima ay saka nadiskubre na ang kanang bintana sa likuran ng sasakyan ay basag at nawawala na ang naturang mga gamit.
Sabi ng pulisya, posibleng nakita ng mga suspect ang gamit sa loob ng sasakyan kung kaya naengganyo ang mga itong kunin ang mga ito sa pamamagitan ng kanilang modus.
Matagal nang paalala ng kapulisan sa mga motorista lalo na sa mga pansamantalang pumaparada sa ilang parking lot na huwag ng mag-iwan ng kanilang gamit sa sasakyan na maaaring makapag-engganyo sa grupo na kunin ito.
Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.