MANILA, Philippines - Nasagip matapos ang siyam na oras ang isang construction worker na unang nagtangkang tatalon buhat sa ika-pitong palapag ng isang gusali sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Dinala na sa pagamutan upang isailalim sa medical check-up ang lalaki na inisyal na nakilalang si Melbert Mojeres, trabahador sa ginagawang gusali sa may Service Road, Roxas Boulevard ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-12:30 ng tanghali nang umakyat sa ikapitong palapag ng gusali si Mojeres at nagbantang tatalon. Agad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Pasay City Police, Pasay Fire Department at Pasay Rescue Team.
Dumating rin ang mga kaanak ni Mojeres na siyang nakiusap sa kanya upang huwag nang ituloy ang binabalak. Dakong alas-9:30 ng gabi nang tuluyang mahatak ng mga bumbero si Mojeres at mailayo sa kapahamakan.
Nabatid naman na problema sa kanyang pamilya ang umano’y nag-udyok sa biktima para pagtangkaan ang sariling buhay.
Inaalam naman ng pulisya sa mga manggagamot na sumuri kay Mojeres kung nasa impluwensya ito ng alak o droga o kung wala sa matinong pag-iisip. Posible rin umanong makasuhan ng “alarm and scandal” si Mojeres.