MANILA, Philippines - Kulungan ang binagsakan ng isang 20-anyos na babae at dalawa pang lalaki makaraang madakip sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Valenzuela City Police, kamakalawa ng hapon.
Nakaditine ngayon sa Valenzuela Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group ang mga suspek na sina Lalaine Dionisio, ng no. 51 Sta. Cruz Apartment, LGP, Meycauayan, Bulacan; Joey Domingo, alyas “Nonoy”, 37; at Bobby Rodriguez, alyas “BJ”, 26, kapwa ng Mansanas Street, Bilog, Balangkas, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, matagal nang minamanmanan ng pulisya ang iligal na aktibidad ng mga suspek kaya ikinasa ang operasyon dakong alas-3 ng hapon sa may Mansanas Street. Gamit ang isang poseur buyer, nakipagtransaksyon ang mga suspek sa pagbebenta ng iligal na droga.
Hindi na nakapalag ang tatlo nang dakmain ng mga pulis matapos na tanggapin ang marked money buhat sa buyer. Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu, P300 marked money at isang balisong.
Nahaharap ngayon ang tatlo sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.