MANILA, Philippines - Tigilan ang pagbebenta ng mga illegal na paputok!
Ito naman ang panawagan at paalala ni Manila Police District (MPD) Director Sr. Supt. Rolando Nana sa mga vendors kung saan sinabi nito na tuluy-tuloy ang kanilang kampanya at panghuhuli sa mga iligal na paputok hanggang sa bisperas ng Bagong Taon.
Ayon kay Nana, nais lamang nilang masiguro ang kaligtasan ng Manilenyo partikular ang mga batang naglalaro sa lansangan. Kadalasang nagiging biktima ng mga paputok at maging ng mga indiscriminate firing ay mga inosenteng bata.
Dahil dito, muling sinalakay ng mga tauhan ng MPD-station 1 ang mga sidewalk vendor kung saan nakumpiska ang iba’t ibang klase ng paputok kahapon ng hapon sa Binondo, Manila.
Sa pangunguna ni P/Supt. Julius Añonuevo, isinagawa ang sorpresang pagsalakay sa M. De Santos St., sa Sto. Cristo kung saan daan-daang paputok tulad ng Plapla; bawang; whistle bomb; Piccolo; kwitis at fountain ang kinumpiska.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang 2:30 ng hapon, nang salakayin ang lugar at matiyempuhan ang mga nakalatag na paputok.
Matapos makumpiska, itinurn over ang mga paputok sa MPD-Bomb Disposal Unit, na sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga na ng MPD-Headquarters.