Balintawak sakit sa ulo ng MMDA
MANILA, Philippines - Nananatiling malaking problema ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga pasaway na motoristang sumasakop sa malaking bahagi ng EDSA sa tapat ng Balintawak Market na sanhi ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko sa lugar.
Sa programa sa radyo, inamin ng MMDA ang masikip na trapiko sa EDSA-Balintawak sa kabila na maluwag na sa maraming kalsada sa Metro Manila dahil sa nakahambalang na mga sasakyan ng mga biyahero sa tapat ng palengke.
Marami sa mga sasakyan umano ay wala namang inihahatid na produkto ngunit nakaistambay lamang at naghihintay ng makokontrata sa paghahakot ng mga pinamili.
Halos tatlong lanes na ng EDSA ang sakop ng mga nakaparadang mga behikulo mula trak, owner type jeeps, jeepneys, at maging mga kotse at SUVs. Dahil dito, lumilikha ng bottleneck sa lugar dahilan ng mabagal na daloy ng trapiko sa mga sasakyang galing sa North Luzon Expressway (NLEX) at Monumento.
Kaugnay nito, sinabi ng MMDA na nakahanda naman sila sa pagsalubong sa mga bakasyunista galing sa mga probinsya na magbabalikan sa Metro Manila sa pagtatapos ng “long holidays” sa Enero.
Tuloy pa rin umano ang moratorium sa mga konstruksyon ng kalsada habang maaari ring muling pakilusin ang Task Force Phantom katuwang ang mga armadong tauhan ng PNP-Highway Patrol Group na aalalay sa mga traffic enforcers laban sa mga pasaway na motorista.
- Latest