Dayo, tinigok noong Pasko
MANILA, Philippines - Dumalaw lamang sa mga kapatid sa ina upang humingi ng sorry at bumati ng Merry Christmas ang napatay na 36-anyos na lalaki na binaril sa ulo habang naglalaro ng video karera ng hindi pa tukoy na salarin sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Bumagsak at nawalan ng buhay sa mismong harapan ng video karera machine ang biktimang si Elmer Bulusan, residente ng Kahanding St. Tondo, Maynila habang mabilis namang tumakas ang gunman matapos ang ginawang krimen.
Sa ulat ni SPO1 Rommel del Rosario ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-5:30 ng hapon araw ng Pasko nang maganap ang pamamaril sa loob ng isang maliit na silid na pinapupuwestuhan ng video karera machine sa Capulong St., sa Tondo.
Ilang istambay din umano ang naroroon nang magulat sa biglang pagdating ng suspek at walang sabi-sabing binaril sa ulo ang biktima. Nang bumagsak ang biktima ay mabilis ding tumakas ang suspek dala ang ginamit na di pa tukoy na kalibre ng baril.
Nabatid na ang biktima ay hindi naman nakatira sa lugar kundi dumalaw lamang sa mga nakababatang kapatid sa ina upang humingi ng sorry kaugnay sa kanilang naging alitan at upang bisitahin ang ina na may iba ng pamilya sa araw ng Pasko.
Napadaan lamang umano ang biktima sa lugar at naisipang maglaro ng VK na dito siya binaril at napatay.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
- Latest