MANILA, Philippines – Nagrereklamo na ang mga lehitimong negosyante sa lungsod ng Caloocan sa napakaraming sidewalk vendors sa may Monumento na tila ginawang lehitimo na ng lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry (FCCCI)-Caloocan chairman Carlos Cabochan, na nasasaktan na ngayon ang mga lehitimong negosyante partikular ang mga may-ari ng department stores at groceries dahil sa pagpayag ng lokal na pamahalaan na makapagtinda ang mga sidewalk vendors sa magkabilang gilid ng J.P. Rizal Avenue at sa bisinidad ng Monumento. Sinabi nito na tila hindi napoproteksyunan ang kapakanan ng mga negosyante na regular na nagbabayad ng lehitimong buwis sa pamahalaang lungsod.
Nabatid na pinayagan ng lokal na pamahalaan partikular ang Department of Public Safety and Traffic Management ( DPSTM ) na makapagtayo ng puwesto ang mga vendors sa mga bangketa mula 11th Avenue hanggang Monumento habang kinuha ang isang lane ng Rizal Avenue na binakuran upang siyang daanan ng mga tao.
Dahil sa pagdagsa ng mga sidewalk vendors, natabunan na ang mga matatagal nang establisimento dahilan ng unti-unting pagkalugi habang lumilikha ng napakatinding pagsisikip sa daloy ng trapiko.
Bukod aniya sa hindi pagbabayad ng lehitimong buwis ng mga sidewalk vendors, karamihan sa mga sidewalk vendors ay hindi rin mga taga-Caloocan ang mga ito kaya hindi rin mga residente ng lungsod ang nakikinabang.
Nanawagan si Cabochan sa pamahalaang lungsod na aksyunan ang isyu upang maiwasan ang pagkamatay ng ilang mga negosyo at makahikayat pa ng mga mamumuhunan.