MANILA, Philippines – Arestado ng pulisya ang itinuturing na No. 10 most wanted criminal at sangkot sa ilang serye ng pagnanakaw kamakalawa sa Las Piñas City.
Nakakulong ngayon sa Las Piñas City Police detention cell ang akusadong si Ariel Palomata-Bustamante, 30, ng Pakwan St., Brgy. Talon Uno ng naturang lungsod.
Ayon sa report na isinumite ni Senior Supt. Adolfo Samala Jr., hepe ng Las Piñas City Police kay Chief Supt. Henry Ranola, director ng Southern Police District (SPD), si Bustamante ay nadakip alas-7:00 ng gabi sa mismong tinitirhan nito sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Las Piñas City Metropolitan Trial Court, Branch 79 dahil sa kasong robbery.
Sa rekord ng pulisya, si Bustamante ay sangkot sa ilang serye ng pagnanakaw, tulad ng akyat bahay at salisi at itinuturing na nasa 10 most wanted criminal sa naturang lungsod.
Nakulong din ang naturang akusado simula noong 2006 hanggang 2011 dahil pa rin sa kasong pagnanakaw.
Sa pag-aresto ng mga pulis, nakumpiska dito ang isang kalibre .38 revolver kung kaya’t nahaharap din ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9284 as amended by RA 10591 (illegal Possession of Firearms and Ammunition) sa Las Piñas City Prosecutor’s Office.