MANILA, Philippines – Umiskor ang mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos masakote ang limang miyembro ng ‘Sahid Utto gang’ na nagresulta rin sa pagkakasamsam ng P1- M halaga ng shabu sa raid sa Brgy. Napindan, Taguig City kahapon ng umaga.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/ Director P/Benjamin Magalong ang mga nasakoteng suspect na sina Roger Ortiz; Abdullah Banog; Ronnie Imbalgan; Jun-jun Panday at Dodoy Toling.
Sinabi ni Magalong bandang alas- 5 ng umaga ng magsagawa ng raid ang mga operatiba ng PNP-CIDG sa hideout ng mga suspect sa Block 1, Lot 16, C6 Road , Brgy. Napindan, Taguig City .
Ayon kay Magalong ang raid ay alinsunod sa apat na search warrant laban kay Mads Utto, ang lider ng grupo na sangkot sa ibat-ibang kriminal na aktibides at tatlong iba pa na inisyu ng korte ng lungsod.
Inihayag ni Magalong na ang grupo ni Utto ay sangkot sa gun-running, gun –for –hire, pagbebenta ng droga, robbery /holdup nago-operate sa mga lungsod ng Pasig, Taguig at iba pang lungsod sa Metro Manila gayundin sa Taytay, Rizal at mga kanugnog nitong lugar.
Nasamsam sa pag-iingat ng mga suspect ang isang bulto ng shabu na nagkakahalaga ng P 1 milyon, isang improvised na shotgun, dalawang units ng cal . 45 pistol na may magazine at sari-saring mga bala, P 6,200 cash na kinita ng mga ito sa kanilang illegal na aktibidad at iba pa.
Nakuha rin sa mga ito ang PNP badge na pag-aari ng isang nasawing pulis na ginagamit ng mga ito sa kanilang illegal na operasyon.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act .