MANILA, Philippines – Palaisipan sa pulisya ang pagpatay sa isang 23 anyos na kasambahay na binaril sa mata ng riding in tandem sa loob mismo ng bahay ng kanyang amo sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Sa ulat ni SPO1 Julius Rempilo, may-hawak ng kaso, kinilala ang biktimang si Monica Ugay, dalaga at stay-in sa bahay ng amo na matatagpuan sa no. 30 Ermin Garcia St., Brgy. Pinagkaisahan sa lungsod.
Isinalarawan naman ng isang testigo ang bumaril na suspect na nakasuot ng t-shirt na kulay puti, at pantalon, katamtaman ang katawan, maitim ang balat, nakasuot ng shades at may taas na 5’5.
Habang ang drvier ng motorsiklo na for registration ay nakasuot ng helmet, puting t-shirt at kulay cream na short pants, katamtaman ang katawan, maitim ang balat, at may taas na 5’3-5’4.
Nangyari ang insidente sa may tinutuluyan ng biktima, ganap na alas-10 ng umaga.
Sinasabing ang biktima ay limang taon ng naglilingkod bilang kasambahay sa bahay ni Ms. Lina Cruz Muñoz.
Sa imbestigasyon, ayon sa isang testigo nakita niya ang dalawang suspect na sakay ng isang motorsiklo at huminto sa bahay ng biktima.
Mula dito ay bumaba ang back rider at nagbunot ng baril saka sumilip sa loob ng bahay at binaril ang biktima na tinamaan sa kaliwang mata. Dead on the spot ang biktima, habang mabilis namang tumakas ang mga suspect sakay ng kanilang motorsiklo.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) isang basyo ng bala at tingga ng kalibre 45 baril ang narekober sa lugar na ginamit sa pamamaril sa biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.