Koreano hindi tinablan ng pampahilo, binugbog na lang saka ninakawan ng ‘Ativan gang’
MANILA, Philippines – Kinuyog at binugbog na lamang ng apat na babae na pinaniniwalaang miyembro ng ‘Ativan gang’ ang isang Korean national saka tinangay ang pera, cellphone at digital camera nang hindi tablan ang huli sa softdrink na ipinainom ng mga una na hinaluan ng pampatulog sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Batay sa inihaing salaysay ng biktimang si Junsa Park, 28, na nanunuluyan sa Friendly Guest House sa Malate, Maynila, naganap ang insidente nitong Disyembre 19 sa bahagi ng Balic-Balic, Sampaloc, Manila.
Sa report ni SPO1 Donald Panaligan ng MPD-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), lumapit umano ang apat na suspect sa dayuhan at nakipagkaibigan.
Ayon sa biktima sinamahan pa umano siya ng mga ito na mamasyal sa Intramuros mula ala- 1 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi. Nang gumabi na ay binigyan umano siya ng softdrinks ng mga ito.
Ayon pa sa pulisya posibleng hindi tinablan ng pagkahilo o antok ang biktima kaya naiinip ang mga suspect kaya sapilitan na lamang itong isinakay sa isang tricycle at doon umano siya pinagtulungang tadyakan upang hindi makapalag habang kinukuha ang kaniyang wallet na naglalaman ng US200, P850, Sony digital camera at Samsung Galaxy na cellphone.
Maaari niya umanong makilala ang mga mukha ng suspek kung muling makikita at isa lamang umano sa apat ang nagbigay ng pangalan na alyas Cecille.
Ayon pa sa pulisya, posibleng ang inilagay na ativan o gamot pampatulog na pinainom sa biktima ay expired na kaya walang bisa.
- Latest