MANILA, Philippines - Kalaboso ang dating asawa ng aktres na si Aiko Melendez at isa pang kasamahan nito matapos na masangkot sa panunutok ng baril sa mga pulis, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nasa custody ngayon ng Pasay City Police detention cell ang mga suspek na sina Martin Jickain, 31, ng Pasig City at Rommel David Almoro, 27, ng Kamuning Road, Quezon City.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon ng Pasay City Police, pasado alas-12:00 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa harapan ng Bakahan at Manukan Restaurant sa may kanto ng Roxas Boulevard at Santa Monica Service Road ng naturang lungsod.
Bago naganap ang panunutok, isa umanong taxi driver ang kinompronta at pinagmumura nina Jickain at Almoro sa naturang lugar nang tiyempong napadaan ang nagpapatrulyang operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Group (SAID-SOG) na pinamumunuan ni SPO1 Antonio Balois.
Noong una, ay hindi umano pinansin ng operatiba ang nangyaring komprontasyon ngunit nang makaalis na umano ang kinokomprontang taxi driver ay ang grupo umano ng operatiba ang pinagsisigawan at pinagmumura ni Almoro sa hindi malamang dahilan.
Nilapitan umano ng operatiba ang sasakyan ng dalawa para pakalmahin si Almoro ngunit sa halip na kumalma ay tuluy-tuloy pa rin umano ang pagmumura nito hanggang sa pumasok na rin sa eksena si Jickain at inilabas nito ang kanyang baril at tinutukan umano ang mga operatiba.
Dahil dito, agad nang pumalag ang mga awtoridad at inaresto ang mga ito sabay na hinalughog ang sasakyan at dito nakumpiska kay Jickain ang baril nito, dalawang magazine, 12 bala at ang lisensiya ng kanyang baril.
Nagtangka pa umanong tumakas ang dalawa ngunit agad itong naharang.
Posibleng mahaharap sa kasong paglabag Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, direct assault, at resisting arrest ang dalawa.(Lordeth Bonilla)