MANILA, Philippines - Isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang malubhang nasugatan makaraang kaladkarin ng isang Asian Utility Vehicle (AUV) na sinita sa isang paglabag sa trapiko sa Cubao, lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ni Senior Insp. Erlito Renegin, hepe ng Quezon City Police Traffic Sector 3, ang biktima ay nakilalang si Sonny Acosta, 38, na isinugod sa St. Luke’s Medical Center dahil sa matinding pinsalang natamo nito sa kanyang katawan.
Nangyari ang insidente sa may loading bay sa Cubao na matatagpuan sa harap ng Farmer’s Plaza, Brgy. Soccoro, ganap na alas-9:30 ng umaga.
Sabi ng saksing barker, pinara ng biktima ang AUV dahil sa pagpasok nito sa loading bay na para lamang sa mga bus.
Dahil lumabag ang hindi nakikilalang driver ng AUV sa batas trapiko, hiningi ng enforcer ang lisensya nito, subalit tumanggi ang una.
Gayunman, dagdag ng barker, pilit na kinukuha umano ng biktima ang lisensya ng driver sa bintana hanggang sa isara ng huli ang pinto ng kanyang AUV saka inarangkada ito at makaladkad ang biktima.
Ilang metro ang layo bago tuluyang tumigil sa pagkaladkad ang AUV sa biktima na nawalan ng ulirat, saka mabilis na humarurot ang una patungo sa Aurora Blvd, sabi pa ng barker.
Ayon kay Renegin, sa ngayon hawak na nila ang plaka ng nasabing AUV at nagsasagawa na sila ng beripikasyon sa Land Transportation office (LTO).
Maalalang nitong November ay nasangkot din sa kahalintulad na kaso ang MMDA constable na si Jorbe Adriatico na sinuntok ng isang driver ng Maserati, sa lungsod. (Ricky T. Tulipat)