‘Sa katiwalian sa bilibid hindi ako, sila ang dapat managot’ – BuCor director

MANILA, Philippines - Ipinahayag kahapon ni Bureau of Correction (BuCor) Director Franklin Jesus Bucayu na ang dapat managot sa nagaganap na katiwalian sa New Bilibid Prison (NBP) ay ang mga kasalukuyang opisyal na nakatalaga dito at hindi siya.

Ito ang naging re­aksyon ni Bucayu hinggil sa kahilingan ng ilang grupo na magbitiw na siya sa pwesto dahil sa sunud-sunod na kati­walian dito.

“Dapat ang managot dito ay ang Superinten­dent ng NBP at huwag ako ang batikusin o kalampagin para magbitiw sa tungkulin ko” ani pa ni Bucayu.

Subalit sinabi ni Bu­cayu­ kung kinaka­ilangan na magbitiw siya sa puwesto ay kanya itong ga­gawin lalo’t mahirap aniya ang kanyang trabaho.

Handa naman aniya siyang magbitiw sa tungkulin bilang director ng BuCor sa oras na ipag-utos ito ni Department Of Justice (DOJ) Secretary Leila De Lima.

Ipinagmalaki pa ni Bucayu kasama siya nang planuhin na salakayin ang mga magagarbong kubol kaya hindi dapat siya batikusin ng publiko sa nangyaring raid dito.

Itinanggi naman nito  ang paratang na kabilang siya sa mga nakikinabang sa illegal na operasyon ng NBP na sinabi nitong sinisiraan lamang siya upang magbitiw ito sa kanyang puwesto.

Inamin pa ni Bucayu na mula nang siya ay maupo bilang director ng BuCor noong Marso 2013 hindi pa niya naikot ang buong bilibid partikular ang mga kubol. Aniya,  mahirap basta pasukin ang pasikot-sikot na pasilidad ng compound at sa dinatnan niyang sistema, hindi madaling makahanap ng mapagkakatiwalaang staff.

Bukod pa dito napansin na rin niya ang pagtaas ng bill ng kur­yente kaya’t ipinatanggal ang ilang aircon at iba pang appliances sa ilang bahagi ng compound ng bilangguan.

“Wala akong alam sa konstruksyon ni Colangco na kung saan sinasabi niyang kasama niya ako sa album nito, na nagpapasalamat siya sa akin ngayon ko lamang nalaman ito nang salakayin ang kanyang magarang kubol,” pahayag pa ni Bucayu.

 

Show comments