MANILA, Philippines - Dalawang hindi pa nakikilalang babae ang kapwa pinagbabaril sa magkahiwalay na insidenteng naganap sa sa Maynila at Quezon City.
Sa isang insidente, dead on the spot ang isang hindi pa nakikilalang babae nang barilin sa ulo ng riding in tandem, habang naglalakad sa panulukan ng Salas at Adriatico Sts., sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inilarawan ang nasawi sa edad na 40, may taas na 5’1’’, balingkinitan, nakasuot ng green na sweater, blue ang panloob na t-shirt at kulay purple ang pantalon.
Humarurot papatakas ang mga suspek matapos ang pamamaril. Ang backrider ay nakasuot ng kulay dilaw na polo shirt at short pants at ang kasama na nagmaneho ng pulang motorsiklo ay may helmet at nakasuot ng itim na jacket.
Sa ulat ni PO2 Crispino Ocampo ng Manila Police District-Homicide Section, sinabayan umano ng dalawang suspek ang naglalakad na babae at malapitang binaril sa ulo saka mabilis na naglakad pabalik sa ipinaradang motorsiklo at humarurot sa direksiyon ng Roxas Boulevard.
Dinala ang bangkay sa St. Rich Funeral para sa awtopsiya at safekeeping, habang patuloy pang iniimbestigahan para matukoy ang pagkilanlan ng mga suspek at motibo sa krimen.
Sa Quezon City, isang babae rin ang nasawi makaraang pagbabarilin ng hindi matukoy na salarin sa isang compound sa Brgy. Culiat, kahapon ng tanghali.
Ayon kay PO2 Anthony Tejerero, may-hawak ng kaso, wala silang nakuhang pagkakakilanlan sa biktima na inilarawan sa pagitan ng edad na 35-40, may taas na 5’, payat, nakasuot ng kulay pink na sweat shirt at kulay itim na pantalon.
Sabi ni Tejerero, ang biktima ay nadiskubre ng isang residente matapos ang mga putok ng baril sa kahabaan ng Libyan St., corner Sulu St., Salaam compound, ng nasabing barangay, ganap na alas-12:15 ng tanghali.
Ayon sa saksing si Linda Marcos, nagulat na lang siya nang makita sa labas ng kanyang bahay ang walang buhay na katawan ng biktima habang duguang nakasalampak dito, matapos ang mga putok ng baril na kanyang narinig.
Agad na ipinabatid ni Marcos ang insidente sa Police Station 3 na agad namang humingi ng tulong sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) para sa kaukulang pagsisiyasat.