MANILA, Philippines - Patay ang isang tinaguriang notoryus na holdaper na suspect din sa serye nang pagpaslang makaraang manlaban sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa isinagawang pagsalakay sa isang barangay sa lungsod, kahapon ng umaga.
Sa ulat ni SPO2 Pascual Fabreag, ang nasawi ay kinilalang si Freddie Nicol, alyas Totoy Bite, ng Nia Road, Brgy. Pinyahan sa lungsod.
Ayon kay Fabreag, si Nicol ay nasawi makaraang makipag-engkwentro sa mga operatiba ng QCPD Police Station 10 sa pamumuno ni Supt. Limuel Obon.
Ñangyari ang insidente malapit sa bahay ng biktima, ganap na alas- 6:30 ng umaga.
Bago ito, nakipag-ugnayan ang PS10 sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay sa gagawing raid sa nasabing barangay dahil sa ulat na talamak na bentahan ng iligal na droga at arestuhin ang notoryus na si Nicol. Sinasabing si Nicol ay responsable sa serye ng krimen sa lugar kabilang ang pamamaril sa isang barangay tanod.
Habang nagsasagawa ng paggalugad ang tropa naispatan nila si Nicol malapit sa kanyang bahay habang bitbit ang isang kalibre ng baril.
Nang tangkaing pasukuin ng mga operatiba si Nicol, sa halip na sumunod ay nanlaban ito at pinaputukan ang mga una. Sa puntong ito, gumanti ng putok ang mga otoridad hanggang sa masawi si Nicol.
Sa pagsisiyasat sa crime scene narekober ang isang kalibre ng 45 baril na may mga magazine at bala; isang kalibre 9mm na baril at 15 piraso ng plastic sachet ng shabu.
Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.