MANILA, Philippines - Muli na namang sumalakay ang kilabot na grupong ‘Basag kotse gang’ at biniktima ang gamit at pera ng dalawang negosyante at isang miyembro ng non-government agency (NGO) sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni PO2 Richard Galvez, ang mga biktima ay kinilalang sina Marie Espiritu, 43 ng Taguig City at Jon Sarmiento, 42, ng Quezon City; mga negosyante at Marites delos Santos, 43, ng Parañaque City.
Ayon kay Galvez, natangay ang mga gamit at pera ng tatlong biktima matapos basagin ang dala nilang mga kotse tulad ng isang Ford Fiesta na pag-aari ni Delos Santos at Toyota Revo na pag-aari naman ni Epiritu.
Ñangyari ang insidente sa may Bacobo St., corner Xavierville Avenue, Loyola Heights sa lungsod ganap na alas-7 ng gabi.
Sinasabing ipinarada ng mga biktima ang kanilang mga sasakyan sa nasabing lugar saka nagpunta sa isang restaurant malapit dito.
Sabi ni Galvez, pagkaalis ng mga biktima ay saka sinimulan ng mga suspect ang pagbasag sa salamin ng mga sasakyan ng mga una at kinuha ang mga iniwan nilang mga kagamitan.
Ang ganitong insidente ang nadatnan ng mga biktima pagkabalik nila sa kani-kanilang mga sasakyan.
Magugunitang madalas na nagpapa-alala ang awtoridad sa mga owner ng mga sasakyan na huwag mag iwan ng kanilang mga gamit sa loob dahil ito ang nagiging target ng mga masasamang-loob.