MANILA, Philippines – Utas ang isang lalaki nang barilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang naglalakad patungo sa simbahan sa may tulay sa Marikina City, kahapon ng madaling-araw.
Dalawang tama ng bala, isa sa likod at isa sa ulo na tumagos sa mukha ang ikinasawi ng hindi pa nakikilalang biktima na tinatayang nasa pagitan ng edad 30-40-anyos, may taas na 5’4’’, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng itim na t-shirt at maong na pantalon, na mayroong tattoo na Rosary sa katawan habang sa likod naman ay naka-tattoo ang pangalang “Ramel Jan”.
Walang nakuhang pitaka at ID ang mga awtoridad sa suot na pantalon ng biktima.
Sa ulat ng Marikina City Police, nabatid na dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Tumana Bridge sa Brgy. Tumana. Ayon kay Renzo Otanes, 17, ng Singkamas St., Brgy. Tumana, naglalakad sila patungo sa simbahan upang dumalo sa simbang gabi nang makarinig ng putok ng baril.
Nang makatawid sila ng tulay ay tumambad sa kanila ang bangkay ng biktima na sinasabing magsisimba rin sana. Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima at ang mga
suspek, gayundin ang motibo sa krimen.