MANILA, Philippines – Instant millionaire ang apat na tipster ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagbigay daan sa pagkakaaresto ng isang lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) makaraan silang pagkalooban ng P12.1 M reward sa seremonya sa Camp Aguinaldo kahapon.
Personal namang ipinagkaloob ni AFP Vice Chief of Staff Lt. Gen. John Bonafos ang nasabing cash reward sa naturang mga tipster. Sinabi ni Bonafos na sa pamamagitan ng impormasyon na ipinagkaloob ng naturang mga tipster ay nasakote ang pinaghahanap ng batas na lider ng NPA at tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group.
Kabilang sa mga nasakote ay si Loida Magpatoc, lider ng NPA na may patong sa ulong P5.6-M.
Si Magpatoc ay nalagay sa talaan ng mga most wanted na kriminal kaugnay ng kasong robbery, double homicide at damage to property.
Samantalang ang mga nasakote namang Abu Sayyaf kidnapper ay nakilala namang sina Basal Talib Sali; may mga alyas na Gonggong Sali at Abu Husni na may P5.3M patong sa ulo. Isa pang nasakoteng Abu Sayyaf ay sina Muktar Ladjaperma at Jailani Basrul na may P600,000 reward kapalit ng kanilang pagkakaaresto.
Nagpapatuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa iba pang mga wanted sa batas.