Negosyanteng Tsinoy, hinoldap ng tandem

MANILA, Philippines - Isang Filipino-Chinese businessman ang natangayan ng aabot sa P300,000 halaga ng pera at alahas sa muling pag-atake ng riding in tandem sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Sa ulat ni SPO2 Richard Managuelod ng Quezon City Police­ Station 2, nakilala ang biktima na si Kian Pang Lim, 68, ng Brgy. San Antonio sa lungsod.

Natangay sa biktima ang isang gold necklace (P30,000); isang gold bracelet (P32,000); isang Dunhill wristwatch (P180,000); at wallet na naglalaman ng cash na halagang P36,000.

Sa ulat, nangyari ang insidente sa harap ng carwash shop na matatagpuan sa Osmeña St., Brgy. Del Monte, ganap na alas-2:30 ng hapon. Diumano, nagpapalinis ng kanyang sasakyan ang biktima sa nasabing shop at habang hini­hintay itong matapos  ay biglang sumulpot ang isang motorsiklo na walang plaka sakay ang mga suspect.

Bumaba ang isa sa mga suspect saka tinutukan ng kalibre .45 baril ang biktima saka hinoldap. Agad na nilimas ng mga suspect ang gamit ng biktima saka mabilis na tumakas. Habang ang biktima naman ay nagpasyang umuwi ng kanyang bahay bago dumulog sa nasabing himpilan para magreklamo.

Ayon kay Managuelod, patuloy ang follow-up operation na ginagawa ng kanilang tanggapan upang madakip ang mga suspect na ayon sa biktima ay mga nakasuot ng helmet at pulang jacket.

Kasabay nito, nagbabala din ang opisyal sa publiko na doblehin ang pag-iingat lalo ngayong nalalapit na ang Pasko na kung saan ay napapadalas ang insidente ng pangho­holdap.

 

Show comments