Libreng airport shuttle, sinimulan na ng MMDA
MANILA, Philippines - Nagsimula nang magbigay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon ng libreng serbisyong shuttle service para sa mga mananakay patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminals 2, 3, at 4 (dating Domestic Airport).
Ito ay bahagi ng programa ng ahensiya na maibsan ang inaasahang masikip na daloy ng trapiko ngayong buwan ng Kapaskuhan.
Sagot na rin ito ng MMDA sa maraming reklamong natatanggap nila mula sa mga pasahero na hindi nakakaabot sa oras ng kanilang flight dahil naiipit sa trapik.
Pinangunahan ni MMDA Chairman Francis Tolentino, ang pagbubukas sa publiko ng libreng shuttle service na magsisimula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng madaling araw.
Anim umanong public utility buses, kabilang na ang electric buses ang ilalagay sa Southwest Terminal Integrated Bus Terminal sa Coastal Mall at sa SM Mall of Asia bilang pick-up points.
Matutukoy ito sa pamamagitan ng nakapaskil na stickers na may nakasulat na “MMDA’s Airport Christmas Shuttle”
Paglilinaw ni Tolentino, ito’y libre ngunit sa pasahero o aalis lamang at ang kailangan lamang ay ipakita ang kanilang airline tickets upang makalibre sa shuttle service.
Partikular umano nilang pinupuntirya ay ang mga pasaherong pauwi sa kanilang mga probinsiya para doon ipagdiriwang ang holiday season.
May escort na kasama ito kapag babiyahe upang hindi maipit sa trapiko. Hanggang Disyembre 23 umano magtatapos ang libreng shuttle service.
- Latest