MANILA, Philippines - Inatasan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga operators ng taxi na isumite sa kanila ang listahan ng kanilang mga driver kaugnay sa serye ng krimen na nagaganap sa mga pampasaherong sasakyan tulad ng taxi sa kasalukuyan.
Ang bagay na ito ay iginiit ni LTFRB Chairman Winston Gines sa ginanap na meeting kahapon ng umaga sa pagitan ng mga opisyal ng naturang ahensiya, mga taxi operators at mga opisyal ng Taxi Operators Association.
Ang kautusan ay nakasaad naman sa ipinalabas na direktiba ng LTFRB na nagsasabi ng ganito, “Operators will be mandated by the agency to provide a list of their drivers, including their full names, personal information, employment history and accident record. It will then be fed into the LTFRB database for a background check on each of the drivers”.
Ang isang driver ng taxi ay kailangang magsabit ng ID nito na may sukat na 8.5-inch by 5.5-inch na nakalagay sa rear view mirror ng sasakyan sa lahat ng duty nito upang mabigyang impormasyon ang mga pasahero sa kanilang pagkakakilanlan.
Nakasaad din na ang bawat taxi operators ay kailangan munang kumuha ng clearance mula sa LTFRB bago mag-hire ng bagong driver upang maimpormahan ang naturang ahensiya at para makapagsagawa ng background check sa mga ito.