Lalaki nilaslas ang leeg

MANILA, Philippines - Isang lalaki ang patay makaraang gilitan sa leeg ng hindi nakikilalang salarin sa isang eskenita sa lungsod Quezon kahapon ng ma­daling-araw.

Ayon sa ulat ni PO2 Louie Serbito, isinalarawan lamang ang  biktima na  nasa pagitan ng edad na 50-55, may taas na 4’9’’, katamtaman ang pangangatawan, Moreno, at nakasuot ng checkerd na polo shirt at pantalon.

Sabi ni Serbito, ang biktima ay natuklasan na lamang ng isang residente habang walang buhay na nakahandusay sa harap ng isang tindahan sa 4-D Road, Brgy. Pinyahan, ganap na alas-12:45 ng madaling-araw.

Bago ang insidente gini­sing umano siya ng kanyang asawa kaugnay sa ingay na narinig sa labas ng kanilang bahay. Dahil dito, nagpasya ang saksi na puntahan ang lugar kung saan niya na­abutan ang biktima. Agad na itinawag ng residente ang insidente sa otoridad para sa pagsisiyasat.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang biktima ay nagtamo ng hiwa sa leeg na siyang ikinamatay nito. Ang biktima ay nasa pa­ngangalaga ngayon ng Pacheco Funeral homes para sa kaukulang disposisyon.

 

Show comments