Motorsiklo sinalpok ng PUJ, magkapatid todas

MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang isang magkapatid na lalaki makaraang mabundol ng isang pampasaherong jeep habang magkaangkas sa isang motorsiklo, kahapon ng ma­daling-araw sa Caloocan City.

Dead-on-the-spot  sina Orwin Apin, 30; at Oscar Apin, Jr., 29, kapwa binata at residente ng #17 Alibangbang Street, Pangarap Village, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na ulat na ipinadala kay Caloocan Police chief, Sr. Supt. Bartolome Bustamante, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa may Quirino Highway, Brgy. 183, ng naturang lungsod.

Magkaangkas ang magkapatid na Apin sa isang Honda motorcycle (1468-TL) sa southbound lane ng Quirino Highway patungo sa Quezon City nang mag-overtake sa isang pampasaherong bus.

 Dito nito nakasalubong sa kabilang lane ang isang rumaragasang pampasaherong jeep at nabundol ang motorsiklo dahilan upang tumilapon ang mga biktima ng may 20 metro at bumagsak sa sementadong kalsada sanhi ng matinding pinsala sa katawan.

Sa halip naman na tulu­ngan ang mga biktima, tumakas ang hindi nakilalang tsuper ng jeep patungo sa direksyon ng San Jose del Monte, Bulacan.  

Dinala ang mga bangkay ng mga biktima sa Holy Angelus­ Funeral Parlor ha­bang naghahagilap naman ang pulisya ng mga saksi para sa posibleng pagkaka­kilala sa nakabundol na tsuper.

 

Show comments