Basurero binoga, patay

MANILA, Philippines - Patay  ang isang 34-anyos na mangangalakal ng ba­sura  nang barilin sa  madilim na bahagi ng Temporary Housing, sa Aroma, Tondo, Maynila, kahapon ng ma­daling-araw.

“Pssst Reggie ..” ito naman ang  narinig ng ilang mga saksi bago umano umali­ngawngaw ang putok ng baril at tumimbuwang ang biktimang si Regidor Kallego, alyas “Reggie”,  residente ng  Unit 12 Building 34, Temporary Housing, Aroma, Tondo­, Maynila.

Sa ulat ni PO2 Cris Ocampo,ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:00 ng mada­ling-araw nang maganap ang insidente sa harap ng Unit 28 Bldg. 34,Temporary Housing.

 Madilim umano ang lugar ng pinangyarihan kaya hindi namukhaan ang suspek na inilarawan na may taas na 5’5’’–5’6’’, nakasuot ng bull cap, t-shirt at short pants.

Habang nakikipag-usap umano ang biktima sa mga kaibigan nang may sumitsit at tumawag sa kanya, kaya gamit ang flashlight ay sinipat ang lalaki sa dilim at hindi nakita hanggang sa tumalikod na subalit isang putok ng baril ang umalingawngaw kaagad na ikinasawi nito.

Naniniwala  ang pulisya na  kilala ng  biktima ang  suspek kaya’t patuloy naman ang  imbestigasyon ng mga awtoridad.

 

Show comments